Sa totoo lang, pagkabigo ang nararamdaman ko sa mga nababasa kong mga pangalan na tatakbo para sa Halalan ng 2013. Well, nabigo ako sa halos lahat ng pangalan. Kung hindi sila kamag-anak ng mga nakaupong mga pulitiko ngayon (at alam na alam naman nating kawalang-hiyaan lang ang nagawa nila habang nasa posisyon; ika nga pakapalan nalang ng mukha sa pagtaguyod ng dinastiyang bastos. Hindi na ako magbabanggit ng mga pangalan dahil mauubos lang ang ating oras), sila naman any mga nagmamaganda o nagpapagwapong artista (Hello, Aga Muhlach sa Kongreso?!) o hindi kaya ay talagang matibay lang ang kanilang sikmura para tumakbo, kahit na alam na alam nilang wala naman silang kredibilidad sa larangan ng public service (ika nga, shoot for the stars talaga! Wag nang dumaan sa mababa, sa kaitaas-taasan talaga para bongga. Hello ulit, Jinkee Pacquiao as Vice Governor?! Bet ko, ipapa-Belo lang nya lahat ng tao sa Sarangani).
Sa totoo lang din, pakiramdam ko ay binababoy lang din nila ang eleksyon. Hindi ko alam kung may basihan ang pakiramdam kong ito, pero bilang isang ordinaryong mamamayan na sumusubaybay lang sa mga balita, pakiramdam ko na binabastos lang tayo dahil kung sino pa ang mga may masasamang budhi, sila pa ang pinapatakbo at sinusuportahan. At kung sino pa ang may mabubuting hangarin, sila pa ang hinihila pababa. Very good talaga itong mga pulitikong ito. Palakasan lang naman talaga.
Hanggang ngawa lang naman talaga tayo sa mga panahong ito dahil hindi naman natin kontrol kung sino ang mga tatakbo sa eleksyon. Pero sa oras na na ibigay na sa mamamayan ang kapangyarihan kung sino ang mananalo sa halalan sa 2013, siguraduhin nating maririnig nila ang gusto natin -- ang isang malinis at matinong gobyerno.
Pano kamo?
1) Aba'y MAGPAREHISTRO KA MUNA! Paano ka nga naman boboto kung hindi ka pa talaga nakapagparehistro. Hoy, OCTOBER 31, 2012 ang deadline ng Voter's Registration kaya tumayo ka na jan sa kinauupuan mo at pumunta na sa inyong COMELEC office.
Tandaan: Basta 18 years old ka na pagdating ng eleksyon, pwedeng pwede ka nang magparehistro. Dalhin ang Application for Registration Form (na maaaring i-download sa COMELEC website) at photocopy ng Valid ID. Punta ka sa website na ito kung marami ka pang tanong na gustong sagutin: http://www.comelec.gov.ph/?r=VoterRegistration/GeneralInfo
2) MAGING MA-ALAM AT MAKIALAM. Marami na akong nakilala na mahilig makialam sa mga bagay-bagay pero hindi naman nila alam kung ano ba talaga ang nagyayari. Aba e'y mahirap kaya iyon. Para kang nakikipaglaban na ang suot mo ay french coat at boots at ang laban ay nasa disyerto.
Kaya, alamin ng maigi kung sinu-sino ang tatakbo sa inyong lugar. Magsaliksik tungkol sa mga kandidato at alamin kung may nagawa ba talaga sila para sa mga tao. HUWAG NA HUWAG MAGPADALA SA MGA COMMERCIAL SA TV! It's just the tip of the iceberg.
3) MAGTAPANG AT MAGSALITA. Kung may nalalaman ka, i-share mo naman. Selfish ka naman masyado, ayaw mong malaman ng iba. Lalo na kung alam mong importante siyang malaman ng madlang boboto sa eleksyon. Mas maganda kung ang ibabalita mo ay yung mga magaganda ukol sa mga kandidatong iboboto mo. At ang pinakamaganda, TOTOO ANG IBINABALITA MO.
4) BUMOTO AT MAGBANTAY NG BOTO. Ang eleksyon ay ang grand finals para sa mga tumakbo, it's THE moment of truth. Ito na rin ang pagkakataon natin bilang mamamayang Pilipino na ipaghiganti ang Pilipinas laban sa mga politikong nang-aapi dito. Kaya ang boto mo ay mahalaga. Lalo na kung ang boto mo ay para sa mga taong MATINO, MAHUSAY, at MAKA-DIYOS.
Ano kamo? Walang magagawa ang iisang boto dahil isa lang naman ito sa ilang libong botong ibibigay? Inday, Dodong, nagkakamali ka! Wrong! Isa man yan, makapangyarihan din yan. Isipin mo, if there's no drop of water willing to be part of the ocean, then there won't be any ocean at all.O di kaya, isipin mo na isa kang buhok sa ulo ng isang tao. Kung nawala ka, kawawa naman yung ulong kinalalagyan mo dahil malay mo, ikaw nalang ang nag-iisang buhok sa ulo niya. Makakalbo pa siya. Looking at the BIGGER PICTURE, you will do wonders if you vote.
At siyempre, tuwing halalan, may mga hindi maiiwasang masasamang elemento na handang gawin ang lahat para manakaw lang ang boto mo. Papayag ka ba sa ganun? Ako, hinding-hindi! Pinaghirapan ko kayang i-research, pag-isipan, pagpilahan, at i-shade ang voting sheet ko. Ayoko ngang nakawin yun. Ewan ko lang sayo. Kaya importante din na maging mapagmatiyag tayo at magbantay ng boto. Pwede kayong mag-volunteer magbantay. Ito ang mga alam kong mga grupo na pwedeng salihan: http://www.slb.ph/ at http://www.ppcrv.org/global/index.php
Sa huli, ang madlang Pilipino ang may hawak sa kung sino man ang mananalo sa eleksyon. Siguraduhin naman nating naging bahagi tayo nito.
Hindi pa ba kayo sawa sa pangungurakot ng mga politiko? Hiindi pa ba kayo sawa sa pare-parehong pangalan na nailuluklok sa pwesto na wala naman talagang nagawang mabuti? Hindi pa ba kayo sawa sa mga pangakong binibitawan nila sa eleksyon? Hindi pa ba kayo pagod lumusong sa baha o maglakad sa hindi natapos na daan o tulay kahit na nagbabayad kayo ng tamang buwis?
Well, ako, sawang-sawa na. Kaya boboto ako. Aalamin ko ng husto kung sino ang matino, mahusay, at maka-Diyos. Hindi ko lang idadaan sa pagandahan o pagwapuhan o sa kaawa-awang mga TV commercials nila. Ito ang tanging malaking paraan para maiganti ko naman ang mahal kong Pilipinas laban sa mga bastos na mga taong ang gusto lang ay saktan siya.
Bumoto ka na rin. Bumoto tayo. Para din naman ito sa atin ito.