Kahapon, ako, kasama
ng mga kasamahan ko sa trabaho, ay nagpunta sa Senado upang maranasan kung
paano manood ng Impeachment Trial ni Chief Justice Corona ng live.
Katulad ng panonood
ko ng UAAP Basketball Championship Season 74 sa pagitan ng Ateneo at La Salle,
mas nadama ko ang emosyon ng mga tao, ang tensyon sa pagitan ng prosecution at
defense, ng mga senador at ng mga witness kesa kung pinapanood lang ang trial
sa telebisyon.
Ang pagkakaiba
lamang sa panonood ng UAAP Basketball Championship at ng Impeachment Trial ay
ang ilang mga pinagbabawal na gawin -- bawal sumigaw o gumawa o magpakita ng
anumang violent reactions, bawal kumuha ng litrato o video habang may session
(kaya sayang dahil gusto ko pa sanang kuhanan ng picture si Santiago sa tuwing
magsasalita siya sa podium), at ang pinakamasakit na naging bawal para sa akin,
ang paggamit ng cellphone (ibig sabihin, hindi ako maka-update sa facebook at
twitter o makapagkwento man lang sa mga kaibigan ko).
At nagsimula na nga
ang session. Tumayo na ang lahat. Ready na ang lahat sa magiging bakbakan sa
araw na iyon.
Ang pinakainabangan
ko nung session na yun ay ang paglabas ni Harvey Keh sa witness stand. Isa sya
sa mga nagfile ng complaint sa Ombudsman kasama ni Risa Hontiveros at tatlo
pang mamamayan para imbestigahan pa lalo ang mga alleged dollar acounts ni CJ Corona.
Itong post na ito ay
ilan lamang sa mga reaksyon at realisasyon na naganap sa akin habang nagwawala
nanaman si Sen. Miriam Defensor-Santiago na parang siya nanaman ang diyos ng
Senado *Paumanhin sa mga salitang ginagamit ko at ako'y talagang nababagabag talaga
sa karakter na ipinakita niya*
Bisitang Binastos Basta-basta
Kung maaalala natin,
si Keh ay inihiling lamang na imbitahin sa Senado ng Depensa dahil nga isa siya
sa mga nagfile ng complaint sa Ombudsman.
Ang hiling na ito naman ay ibinigay ni Enrile at si Keh nga ay kusang nagpakita.
Ngunit pinaunlakan
niya ang imbitasyon ng Depensa at nagpakita siya para lang pala bastusin at
maliitin sa harap ng sambayanang Pilipino. Hindi ba nakakainis isipin na, ikaw
na nga ang dapat ituring na bisita dahil ikaw ang inimbita, ikaw pa ang
sisirain at babastusin.
Sino ba naman ang
may matinong pag-iisip na magtawag at magpatuloy ng bisita sa bahay para lang
paglinisin, paghugasin ng plato, at magpatapon ng basura?
Kung mas lalong
iisipin din, si Keh ay isang pribadong mamamayan lamang na ginagawa ang kanyang
makakaya para makatulong na unti-unting ibangon ang Pilipinas. Siya ay walang
kapangyarihan katulad ng ating mga abogado, congressmen, at senador.
At dahil nga wala
siyang kapangyarihan, pansinin nalang kung paano siya tinrato ng Depensa (at ng
ilang Senador) -- siniraan ng kredibilidad at binaon lang ng binaon, dahil
hindi nila kayang tumanggap ng batikos (siguro dahil the truth hurts so much
para sa kanila). Kung kayang gawin ang degredasyon na ito ng mga may
kapangyarihan sa isang iisang pribadong mamamayan lamang sa harap pa ng national television,
ano pa kaya ang kaya nilang gawin sa milyun-milyong ordinaryong Pilipino kapag
wala na ang mga kamera at mga reporter? NAKAKATAKOT ISIPIN!
Hanggang saan kaya
ang kayang gawin ng mga may makakapangyarihang siba at matakaw sa pera at
atensiyon? NAKAKAKILABOT!
The Anonymous Man in this Universe
Natanong ko din sa
sarili ko kung bakit Anonymous nanaman ang nagbigay ng dokumentong ibinigay ni
Keh kay Enrile.
Kung ako ang
ilalagay sa posisyon ng pinakaunang may hawak ng dokumento, at isa lamang akong
ordinaryong mamamayan na gustong makatulong itama ang mali, itatago ko nalang
din siguro ang sarili bilang "Mr. Anonymous". Sa kung anong kayang
gawin ng mga may kapangyarihan, na halos lahat ata pwede na nilang gawin para
lang umayon sa gusto nila ang mga resulta ng bawat bagay, hindi ko nga din ata
kayang magbigay ng tiwala sa mga ganitong mga opisyal.
Sana makita ng ibang
mga tao ang ganitong anggulo kung baket posibleng meron talagang mga Mr. and
Ms. Anonymous in this universe. Dahil takot ang mga ordinaryong taong lumabas at
magpakilala dahil alam nilang may mga tigre at buwayang handang-handang dumakma
sa kanila sa sandaling naisipan nilang tumaliwas sa kagustuhan ng mga sakim na
makapangyarihan (ayon nga kay Gov. Grace, sinong magtitiwala sa bulok na
sistema ng hudikatura?)
Sa mga Mr. and Ms.
Anonymous dyan, ipagdadasal ko na dumating ang araw na may-lakas ng loob na
tayong lumabas at magpakilala kapag gusto natin ng malaking pagbabago at para
maituwid ang mga maling nagagawa ng ilan sa atin.
Non-existent Pala!
Ay, teka, nabanggit
ko ba na ako ay nagtatrabaho para sa Kaya Natin! Movement? Ang Movement na
sinabihan ni Sen. Santiago na may non-existent members? Eto po ako, totoong tao
at hindi robot sa internet. Humihinga at nag-iisip.
Sa totoo lang, may
mga utak talaga kaming nandito sa Kaya Natin! Hindi lang utak, pero utak at
pusong nakalaan para isulong ang maayos na pamamahala na nararapat lamang para
sa mga Pilipino -- isang pamahalaan matapat at inuuna ang kapakanan ng
sambayanan imbis na sarili.
Kaya may mga taong
sadyang hindi namin isinasali sa grupo dahil taliwas ang kanilang karakter at
pag-iisip sa amin. Sorry nalang sa kanila.
Para malaman na we
exist, ito po ang aming:
-website: www.kayanatin.org
-email:
knmovement@gmail.com
-facebook: www.facebook.com/kayanatin
-twitter: www.twitter.com/kayanatin
Kita kits!
No comments:
Post a Comment